Category
Select
Select a Category
Scooter
Underbone
Standard
Sport
Touring
Adventure
Dual Sport
Naked
Off-Road
Cruiser
Brand/Model
Select
Select a Brand/Model
        Price Range
        Select
        Below 100K
        100K-200K
        200K-300K
        300K-500K
        500K-1M
        Over 1M

        10 Dahilan bakit iniiwan ang rider ng kanyang ka-tropa tuwing may group ride

        Sapul ka rin ba, pare?
        by Aris Ilagan Apr 14, 2021
        PHOTO: Aris Ilagan

        Maraming benepisyong nakakamit ang rider sa pagsapi sa isang motorcycle club. Kabilang na rito ang kakaibang kapatiran, masayang samahan, at yung tawagin nila sa Ingles ay ‘sense of belongingness’ at ‘companionship.’

        Masarap at nakaaaliw bumiyahe kasama ang ibang rider na alam mong nasa puso nila ang tunay ng diwa ng pakikisama, hindi lang sa panahon ng kagipitan ngunit maging kasayahan. Kumbaga, para kayong isang pamilya na iisa ang hilig—ang pagmomotorsiklo. Importante dito ang respeto sa kapwa rider.

        Nabanggit natin ito dahil ilang rider ang nagtataka kung bakit sila’y palaging iniiwan ng kasamahan tuwing may biyahe. Kung nami-miss niyo na ang group ride dahil madalas kayong ilaglag ng inyong ka-tropa, marahil ay napapanahon na tumingin sa salamin at tanungin ang inyong sarili: Ano nga ba ang nagawa ko at ako ay kanilang iniiwasan?

        Base sa aming pagsisiyasat, narito ang 10 posibleng dahilan kung bakit iniiwan ang rider ng kanyang kasamahan sa motorcycle club:

        Continue reading below ↓

        1) Sagad sa kayabangan

        Ang kahulugan ng salitang ‘showboating’sa Filipino ay pagyayabang. Kasama na rito ang mga mahilig mag-wheelie, magpasuray-suray ng motorsiklo, at iba pang uri ng exhibition na wala sa tamang lugar. Bukod dito, inilalagay din sa peligro ang ibang rider ng ganitong asal.

        Continue reading below ↓
        Recommended Videos

        2) Hindi sumusunod sa madaling tagubilin

        Para sa kaligtasan ng mga miyembro ng motorcycle club, bukod sa pagdarasal para sa ligtas na biyahe, tradisyon na ang pagsasagawa ng safety briefing bago umarangkada ang tropa. Inilalatag dito ang hand signals, iba’t ibang rider formation, at lokasyon kung saan titigil para magpa-gasolina at magpahinga ang grupo. Subalit kapag nasa kalsada na, pilit na ginagawa ang gusto ng isang rider na ikinaiirita ng iba.

        3) Ubod nang kunat pagdating sa ambagan

        Tradisyon din sa motorcycle clubs ang ‘patak-patak’, kung saan nag-aambagan ang mga rider kapag babayaran na matapos ang kanilang salu-salo. Matigas pa sa abestos ang mukha sa pag-iwas sa pagbunot sa pera kapag nagsimula na ang koleksiyon. Marahil hindi rin siya naniniwala sa karma.

        Continue reading below ↓

        4) Mas maingay pa siya sa tambutso ng motor

        Wala namang masama kung mahilig ang isang rider na bumangka tuwing may bidahan. Ang masaklap lang ay sobrang lakas ng kanyang boses kaya hindi makatulog ang kasamahan niyang gustong magpahinga. Konting konsiderasyon naman, bro.

        5) Nakabalandra ang kanyang motorsiklo

        Dapat ding isapuso ng bawat rider ang riding ethics kung saan binibigyang halaga ang tamang pagparada ng motorsiklo. Dapat alalahanin na malaki ang inyong grupo at kadalasan ay limitado ang parking space sa mga establisimiyento. Huwag ding gawing rason na pagod na kayo kaya okay lang na ibalandra ang motorsiklo.

        6) Madalas tumirik ang kanyang motorsiklo

        Mahalaga na paghandaan ang bawat biyahe, lalo na kung ito’y long ride. Huwag maging dahilan sa pagkakaantala ng biyahe dahil palaging tumitirik ang iyong motorsiklo. Bagamat responsibilidad ng inyong ka-tropa na ikaw ay tulungan sa pag-repair ng inyong unit, dapat na maging responsable ka rin sa tamang pagmimintina ng inyong bike.

        Continue reading below ↓

        7) Panay ang tingin sa angkas ng iba

        Kahit ano’ng pasimple niya sa pagtitig sa angkas ng ibang rider, bistado pa rin siya ng kanyang kasamahan dahil maya’t maya niyang ginagawa ito. Ang pambabastos sa backrider ang kadalasang pinagmumulan ng away sa grupo. Kaya iwasan ang ganitong asal.

        8) Sumasampa sa motorsiklo ng iba nang walang pahintulot

        Sa hanay ng mga rider, sagrado ang motorsiklo dahil ito ang kanilang kasama sa simpleng pamamasyal man o sa hanapbuhay. Ito ang dahilan kung bakit nagagalit ang rider tuwing may uupo o kakalikot sa kanilang motorsiklo na walang pahintulot. Tiyak namang papayag ang may-ari, lalo na kung ang tumitingin ay may matinding paghanga sa kanyang motorsiklo.

        9) Walang patid ang pagkumpara sa mga motorsiklo

        Mistulang isang sirang plaka, walang tigil ang pagkukumpara niya sa mga motorsiklo ng kanyang kasamahan. “Huy! Mas maganda yun motor niya sa iyo,” ang paulit-ulit niyang sinasabi sa kasagsagan ng biyahe, tila nanguurot para ikaw ay bumilit nang bagong bike. Hindi ba nakakapikon yan?

        Continue reading below ↓

        10) Umaasta na siya ang may-ari ng hiram na motorsiklo

        Nagkalat din ang mga tinaguriang ‘The Great Pretender’ sa iba’t ibang motorcycle clubs. Ito ang mga rider na mahilig manghiram ng motorsiklo subalit kung makaasta ay nabili na nila yun unit. Easy lang parekoy! Pantay-pantay tayong mga rider dahil ang hilig lang natin talaga ay mag-ride. Hindi mo kailangang magyabang dahil siguradong mas maraming mayabang sa iyo!

        NOTE: Ang artikulong ito ay unang lumabas sa Topgear.com.ph noong ika-18 ng Setyembre, 2018, at isinalin sa Filipino.

        See Also

        PHOTO: Aris Ilagan

      • Quiz Results

      • TopBikes Rating:
        /20

        Starts at ₱

        TopBikes Rating:
        /20
        Starts at ₱