Bukod sa mga taping para sa kanyang TV appearances, abala ngayon ang aktor na si Dingdong Dantes sa kanyang online delivery service, ang Dingdong PH.
Naisipan ni Dantes na ilunsad ang Dingdong PH bilang tulong sa mga kasamahan sa showbiz industry, partikular na iyong mga nasa linya ng production, tulad ng mga make-up artist at stuntman na nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng pandemya.
Ang 40-anyos na Kapuso talent ay isang motorcycle enthusiast at batid niya ang matinding pangangailangan sa food delivery service bunsod ng limitadong operasyon ng mga restaurant at food stores simula noong Marso.
Bunsod ng malaking demand para sa mga online delivery service, sinabi ni Raniel Resuello, Dingdong Riders Team management head, na puspusan na ang recruitment at training ng mga rider para sa inaasahang pagsisimula ng operasyon ng Dingdong PH app sa mga susunod na linggo.
Bukod sa riding skills and safety training, sumasailalim din ang riders sa screening process sa pagsasanay sa food sanitary handling at maging sa disaster preparedness.
Mayroon ding nakahandang seminar sa personality development, spiritual preparedness, at values formation.
Upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga rider, lumagda si Dantes sa isang partnership agreement sa pamunuan ng Motoworld sa pamamahagi ng SMK helmet, gloves, at knee and elbow protectors sa mga rider ng Dingdong PH. Espesyal ang inihandang SMK helmet para sa mga rider dahil pininturahan na ang mga ito ng official color ng kumpanya at may tatak na rin na Dingdong PH.
Sa isang TV interview, sinabi ni Dantes na batid niya ang sakripisyo ng mga delivery service rider dahil ilang beses na rin siyang bumili ng bulaklak para sa kanyang maybahay na si Marian Rivera-Dantes gamit ang kanyang scooter, sa kabila ng init ng panahon at polusyon sa lansangan. Sa pagmamahal, may mas hihigit pa ba sa special delivery service?
Ginoong Dingdong Dantes, saludo kami sa iyo!