Relax na relax ang singer at YouTube sensation na si Michael ‘Khel’ Pangilinan nang dumating sa KRB Off-Road MX Speedway kasama ang kanyang bunsong kapatid na si Peter. Kabilang ang Pangilinan brothers sa trail ride sa Antipolo kung saan tinatahak ng off-road enthusiasts ang mapuputik, makikipot, at matatarik na daan patungo sa mga liblib na lugar na may mga mala-paraisong tanawin.
Anim kami sa grupo—bukod kay Michael at Peter, kasama rin sina Jude Camus, Jake Verzosa, Pong Ylagan, at yours truly. Bilang mga dating estudyante sa off-roading course ni Coach Mel Aquino, confident ang lahat na ligtas kaming makakarating sa Mount Quest na kinakailangan ang level three riding skill.
Gamit ang mga Yamaha XTZ off-road bike, umalis kami pasado alas-siyete ng umaga mula sa KRB. Si Michael, 25, ang umaktong lead rider ng grupo. Kita agad na matulin, maliksi, at mahusay siyang magpatakbo ng motorsiklo. Sa kabila ng maputik at madulas na kalsada, tuloy ang piga niya sa silinyador. “Nung kakatapos lang ng course namin kay Coach Mel, halos lingo-linggo kami dito ni utol,” kuwento niya.
Kapansin-pansin din ang pagkakaroon ng magandang loob ni Michael sa kabila ng tagumpay na tinatamasa nito bilang singer na may mahigit isang milyong subscribers sa YouTube bukod sa iba pang followers sa social media. Madalas na rin siyang mapanood sa telebisyon.
Bukod sa kanyang talento sa pagmomotorsiklo at pagkanta, may dalawa pang bagay na bakas sa pagkatao ni Michael: Mahilig siyang makihalubilo sa mga kabataan na aming nadaraanan, at hindi siya nahihiyang ihayag ang kanyang pagmamahal sa Diyos at sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang ina at limang taong gulang na anak.
Mahilig din siyang mag-uwi ng paisa-isang wildflower na kanyang nakikita sa trail. Ito rin ang isa sa dahilan kung bakit palagi siyang pinapayagan ng kanyang butihing ina mag-off-roading. At sa tuwing siya ay hihinto sa sari-sari store upang mag-merienda, iniimbita niya ang mga bata upang sila ay mailibre ng tsitserya.
“Gusto kong makatulong sa pagsulong ng moto-tourism,” sabi niya. “Malaking tulong ito sa mga pamilya sa liblib na lugar.”
Samantala, habang papalapit na ang grupo namin sa Mount Quest, isa-isa kaming sumesemplang dahil sa sobrang tarik ng daan. Nagpasya kaming magpahinga na lang sa isang lugar na halos isang kilometro na lang ang layo sa aming pupuntahan dahil masyadong delikado ang aming daraanan.
Pero wala sa bokabularyo ni Michael ang salitang ‘atras.’ Habang nagpapahinga ang tropa, bigla itong sumakay sa kanyang Yamaha bike at humarurot palayo sa amin. Matapos ang ilang minuto nang aming pamamahinga, biglang nawala ang ingay ng motorsiklo niya. Mula sa aming kinatatayuan, nakita namin siya sa dulong bahagi ng trail habang nakatayo, nag-iisa, at mistulang tuliro habang itinuturo ang isang malalim na bangin kung saan nahulog ang kanyang motorsilo.
Pinalad si Michael dahil wala siyang tinamong sugat matapos mabilis na naka-eject nang mawalan ng kontrol sa kanyang sasakyan. Walang tigil ang pasasalamat ni Michael sa Panginoon dahil ligtas siya sa kapahamakan.
Sinuwerte rin siya dahil nasalo ng mga kawayan ang kanyang motorsiklo kaya wala rin itong damage. Kasama ang isang residente, nagtulong-tulong kami para maiahon ang Yamaha bike mula sa bangin.
Ayon naman kay Peter, ito na ata ang ikatlong insidente na nakaligtas ang kapatid sa tiyak na kapahamakan. Hindi malimutan ni Peter nang mahulog si Khel sa isang imburnal sa Pasay City ilang taon na ang nakararaan. Aniya, nasa punto na bibitaw na si Michael sa kanyang kinahahawakan at handa nang mahulog sa malalim na imburnal, nang bigla na lang may isang taong lumitaw at inabot ang kanyang kamay. Nang maiahon siya sa imburnal, ayon kay Peter, hindi na makita ni Michael ang lalaki na pasasalamatan sana niya sa pagliligtas sa kanya.
May kasabihan na may mga taong parang pusa at paulit-ulit na naliligtas mula sa kapahamakan. Puwede nga kayang sabihin na may siyam na buhay si Michael?