Category
Select
Select a Category
Scooter
Underbone
Standard
Sport
Touring
Adventure
Dual Sport
Naked
Off-Road
Cruiser
Brand/Model
Select
Select a Brand/Model
        Price Range
        Select
        Below 100K
        100K-200K
        200K-300K
        300K-500K
        500K-1M
        Over 1M

        Riding safety 101: Paano makaka-survive sa ‘killer mounds’ ng C5 Road

        Para huwag kang tumilapon mula sa bike
        by Aris Ilagan Sep 3, 2021
        PHOTO: Aris Ilagan

        Minsan ay napapaisip na tayo kung posible nga kayang may ilang grupo na nasa likod ng masamang balak na kontrolin ang pagdami ng tao sa Metro Manila. Ang mga depektibong traffic lights, walang takip na manhole, pinabayaan at nakatiwangwang na mga hukay sa kalsada, at nangaglawit na mga kable mula sa poste ng kuryente ay ilan lang sa mga halimbawa.

        Ang kawalang-malasakit ng mga ahensiya ng gobyerno at ilang road contractors ay nagbibigay sa atin ng impresyon na sinasadya lahat ito bilang desperadong pagtatangka na bawasan ang populasyon sa Kamaynilaan.

        Gayunman, walang sinuman ang kumikilos upang maiwasan ang mga aksidenteng idudulot ng mga garapalang kapalpakang ito.

        Isa pang klasikong halimbawa ng kawalan ng pakialam ay ang mahabang hilera ng mga aspaltadong tambak sa may C5 Road. Dulot ng mabibigat na trucks, ang mga aspaltadong tambak na ito ay nagsusulputang parang mga kabute sa maraming bahagi ng 32.5-km beltway, na opisyal na tinaguriang Carlos P. Garcia Avenue—na puwede na siguro nating bansagan ng ‘Chaotic Road 5.’

        Continue reading below ↓

        Dumadami ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga kotse at motorsiklo na dulot ng mga tambak na ito (na ang ilan ay may taas na tatlo hanggang apat na pulgada).

        Para sa riders na unang beses na mae-encounter ang mga istorbo sa kalsadang ito, posible kayong tumilapon mula sa motorsiklo kung hindi ninyo ito kaagad na maiiwasan. Ang malala pa, baka mahagip kayo ng humaharurot na sasakyan mula sa likuran o sa gilid ng inyong bike.

        Continue reading below ↓
        Recommended Videos

        Pero hindi naman kailangang maging motocross champion upang makaiwas sa mga pahamak sa kalsadang ito. Sundin lang ang safe riding tips na narito, huwag mataranta, at tiyak na hindi kayo mapapahamak.

        Narito ang ilang pointers upang malaya kayong makapagmaniobra paiwas sa mga tinaguriang ‘killer mounds’ ng C5 Road:

        1) Palawakin ang iyong field of vision.

        Dahil hindi naman imposibleng maya’t maya tayong gulatin ng maraming perhuwisyo sa kalsada, pinakamainam na sanayin nating gumagana ang ating peripheral vision laban sa anumang maaari nating maengkuwentro habang nagra-ride.

        Continue reading below ↓

        Dapat na alisto ang riders sa mga ito kahit pa limitado ang nakikita dahil sa suot na helmet. Isa itong riding skill na mahalagang taglay ng bawat Pinoy rider. Gawin ito sa pamamagitan ng pagtutok ng paningin sa tinataluntong kalsada, habang ginagamit ang peripheral vision para aware sa anumang sitwasyon sa kaliwa at kanan ng kanyang motorsiklo.

        2) Manatiling kontrolado ang sitwasyon.

        Sinasabing dapat na laging relaxed ang nagra-ride para iwas-stress. Gayunman, kapag nakaramdam ng panganib, dapat na higpitan ang kontrol sa handlebar bilang paghahanda sa mabilisang pagmamaniobra at posibleng pagpalag ng motorsiklo.

        Ang mahigpit na piga sa handlebar ay nagbibigay sayo ng buong kontrol sa motorsiklo kahit pa tumama ka sa malalaking bumps na tulad ng nasa C5. Nakakatulong din ito upang mapanatili ang iyong siko sa kumportableng posisyon para malaya kang makapagpalit ng direksiyon sa mabilisan pero ligtas na paraan.

        Ang mabilisang side-to-side movement ng balakang ay makakatulong din upang mabilis na mamaniobra ang motorsiklo.

        Continue reading below ↓

        3) Bawal na bawal ang panic braking.

        Nariyan ang posibilidad na masapul mo ang asphalt bumps na ito sa C5, na ang ilan ay sa bahaging nililikuan ng riders, na karaniwang umaandar sa bilis na 40-60kph.

        Sa paglatag ng dilim o kapag malakas ang buhos ng ulan, mas pahirapang mapansin ang mga bukol na ito sa kalsada.

        Kaya kapag biglang nakalog ang motorsiklo sa pagtama sa matitigas na tambak na ito, gulat kang babawiin ang kontrol sa iyong bike. Ang mga gulong ng motorsiklo ay may tendency na dumulas sa bumps kapag umuulan.

        Kapag nangyari ito, iwasan ang biglaang pagpepreno dahil maaaring tumilapon sa ere ang iyong motorsiklo. Sa panic braking, mawawalan ka ng kontrol sa iyong bike at posibleng pulutin ka na lang sa gitna ng kalsada.

        Makakatulong ang ABS (anti-lock braking system), pero tandaan: Nasa kalagitnaan ka ng kalsada kung saan karaniwang mabilis ang takbo ng mga sasakyan, lalo na kung walang trapiko at umiiral na truck ban.

        Continue reading below ↓

        Pinakamainam na idiretso ang motorsiklo sa isang ligtas na gilid na bahagi ng kalsada bago tuluyang magpreno.

        4) Maging alisto sa nasa likuran mo.

        Sa alertong pagmamaniobra at ligtas na paghinto matapos tumama sa asphalt bump, ang dapat gawin ay ang itigil ang motorsiklo sa gilid ng kalsada. Pagkatapos, i-check kung nagkaroon ng damage ang mga gulong at ang front fork.

        Huwag nang hintaying maramdaman ang paglambot ng gulong o ang pag-eese-ese ng takbo ng motorsiklo bago tuluyang huminto. Ang pagpapatuloy ng biyahe kahit nagkaroon ng depekto ang mga gulong at fork ay maglalagay lang sa alanganin sa iyong buhay.

        5) Malaking bentahe ang tamang pagmamantine ng motorsiklo.

        Minsan pa, ipapaalala namin sayo na mahalagang tama ang isinasagawang maintenance sa mga gulong at preno ng iyong motorsiklo. Tiyaking laging kumpleto ang spokes o rayos. Suriin din ang mga gulong sa posibleng tama.

        Isa pa, panatilihin ang tamang pressure sa gulong upang masiguro ang kapit nito sa kalsada. I-check din ang brake pad o brake lining ng motorsiklo. Ang mga luma o sirang pad at lining ay may epekto sa epektibong pagpepreno ng bike.

        Continue reading below ↓

        Tandaang sa Pilipinas ka nagra-ride. Kaya manatiling laging alisto habang ine-enjoy ang iyong biyahe.

        (Hulyo 3, 2018 nang unang nalathala ang artikulong ito sa topgear.com.ph)

        See Also

        Top Bikes Philippines is now on Quento! Click here to download the app and enjoy more articles and videos from Top Bikes Philippines and your favorite websites.

        View other articles about:
        PHOTO: Aris Ilagan

      • Quiz Results

      • TopBikes Rating:
        /20

        Starts at ₱

        TopBikes Rating:
        /20
        Starts at ₱