Sa gitna ng matinding init ng araw, nagsagawa ng unity ride ang mahigit sa 200 riders ng ride-hailing motorcycle taxi company Citimuber kahapon upang iparating ang kanilang hinaing sa gobyerno.
Dakong alas 8:00 ng umaga nang dumating ang mga Citimuber rider sa UP Diliman suot ang kanilang official uniform at company-prescribed helmet habang sakay ng kanilang motorsiklo. Nakapaskil din sa kanilang mga motor ang mga karatulang papel na nagsasabing, “LTFRB-DOTr-TWG, kami naman ang pakinggan niyo,” at “Karapatang makapag-hanap buhay, ipaglaban!”
Hanggang ngayon, tanging ang Angkas at JoyRide pa lamang ang nabigyan ng provisional authority upang makabiyahe sa ilalim ng pilot run program ng technical working group ng Department of Transportation (DOTr), habang kinukumpleto pa ng dalawang kumpanya ang mga requirement na hinihiling ng ahensiya. Ang provisional authority ay may bisa hanggang Disyembre 9.
Habang ang Move It, ang ikatlong government-accredited motorcycle taxi company na pinayagang makibahagi sa experimental run, ay inaalam pa rin kung makakasunod sa health at riding safety protocols ng gobyerno.
Giit ni Charles Punzalan, operations head ng Citimuber, aabot sa 3,000 riders ang natanggap sa kumpanya at handa na ang mga itong bumiyahe matapos sumailalim sa masusing safety training sa kanilang pasilidad sa Caloocan City.
“Hanggang ngayon, wala kaming natatanggap na malinaw na kasagutan mula sa DOTr,” ayon kay Punzalan.
Iginiit ng rider na halos kasabayan ng Citimuber ang Angkas, JoyRide, at Move It nang mag-apply ang mga ito sa ikalawang yugto ng pilot run na pinangangasiwaan ng technical working group ng DOTr nuong Disyembre 2019. Aniya, nangako ang DOTr na makakasama ang kanilang grupo sa trial run.
Kabilang sa mga nauna nang nag-apply sa pilot run ng DOTr ay apat pang motorcycle taxi company na kinabibilangan ng Go Jek, Pilipinas Eset Go!, Sampa, at Vroom Vroom.
Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin natatanggap ang Citimuber sa naturang programa sa kabila ng kanilang kahandaan nitong tumalima sa mahigpit na panuntunan ng gobyerno upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa motorcycle taxi rides.
“Sana po ay payagan na kami ng DOTr na makabiyahe dahil dito po nakasalalay ang pamilya namin,” ayon kay Punzalan, bago nagtungo ang convoy ng grupo sa tanggapan ng LTFRB.