Dahil sa pagtuloy na pagtaas ng COVID-19 cases, sinuspinde ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF) ang operasyon ng mga private riding at driving schools sa Metro Manila at iba pang lugar na sumasailalim sa general community quarantine.
Ayon sa Malacañang, epektibo ang suspension order mula ngayon, ika-22 Marso, hanggang ika-4 ng Abril. Unang nagbalik-operasyon ang mga driving at riding school para sa on-site training noong Hulyo ng nakaraang taon matapos luwagan ng gobyerno ang pagpapatupad ng quarantine policy.
Isa sa mga riding academy na nagbalik operasyon ng halos walong buwan ay ang Honda Safety Driving Center (HSDC) sa Parañaque City kung saan nire-require ang mga estudyante na kumuha muna ng health clearance bago payagang makapasok sa training compound. Mahigpit na ipinagbawal ng mga training school ang walk-in applicants sa panahong ito.
Napagalaman din ng Top Bikes Philippines mula sa HSDC customer service na pansalamantala ring suspendido ang 15-hour Theoretical Driving Course na isinasagawa online para sa mga aplikante ng student permit at non-professional driver’s license.
Abangan ang opisyal na anunsiyo ng iba pang Land Transportation Office-accredited driving at riding schools sa mga susunod na araw.