Matapos maging viral sa social media ang video ng isang Grab rider na maghahatid sana ng lugaw subalit hinarang sa checkpoint sa isang barangay sa Metro Manila dahil sa ipinatutupad na curfew, tila hindi pa humuhupa ang kalituhan dulot ng mga inilatag na polisiya ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases para sa delivery services.
Dahil sa perwisyong idinudulot sa delivery services gawa ng kawalan ng consistency sa pagpapatupad ng polisiya sa mga authorized persons outside of residence o APOR, minarapat ng Kapatiran sa Dalawang Gulong (Kagulong) na lumapit sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang mabigyang linaw ang mga naturang isyu.
Ayon sa Kagulong, madalas silang nakatatanggap ng ulat na inaabot ng lima hanggang anim na oras ang delivery riders sa kanilang pagdaan sa police checkpoints kaya naaantala ang paghahatid nila ng pagkain at iba pang essential items.
Narito ang kanilang mga suhestiyon:
1) Put everything in writing.
Atasan ang mga lokal na pamahalaan na sumasailalim sa NCR Plus Bubble na gumawa ng opisyal na lista ng mga indibidwal na itinuturing na APOR. Ito ay upang maiwasan ang kalituhan na karaniwang nauuwi sa mahabang interogasyon o pagkakaaresto ng delivery riders.
“Maliwanag naman sa polisiya ng IATF na exempted o hindi kasama ang delivery riders [sa restrictions] at maaari silang mag-deliver kung saan man lugar na dapat ihatid ang mga in-order na pagkain. Hindi sila dapat harangin,” ayon sa kalatas ng grupo.
2) Do not make things complicated.
Dapat gawing simple ang proseso ng pag-iinspeksiyon ng delivery riders upang maiwasan ang pagkakaroon ng mahabang pila sa mga checkpoint na nagdudulot din ng matinding trapik sa lugar.
Bukod sa driver’s license ng delivery riders, dapat kilatisin lang ng mga pulis na nagmamando ng checkpoint ang employee ID at employment certificate ng mga ito upang maberipika na sila ay APOR. Hindi na dapat halughugin ang mga personal na gamit.
“Ito’y upang mapabilis ang proseso ng pag-iinspeksiyon at hindi humaba pa ang pila [ng mga rider] na humantong sa pagkalat ng coronavirus bunsod ng kanilang pagkukumpulan sa checkpoint,” dagdag ng Kagulong.
Sa palagay ninyo, may pag-asa pa bang magbago ang proseso sa mga checkpoint?