Walang balak ang magkapatid na sina Sen. Sherwin Gatchalian at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na iurong ang deadline upang magsumite ng paliwanag ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX), hinggil sa matinding trapik na idinudulot ng RFID system sa kanilang lugar.
Ayon sa senador, may hanggang alas 5:01 ngayong hapon upang magsumite ng paliwanag hinggil ang NLEX management sa matinding trapik na nararanasan ng mga motorista sa Valenzuela City, dulot ng mga aberya sa automated toll collection gamit ang Easytrip RFID sticker.
Una nang nagbanta ang Valenzuela City government na sususpendihin ang business permit ng NLEX na nasasakupan ng kanilang lugar kung hindi makatutugon ang pamunuan ng kumpanya sa deadline. Hindi rin pinalusot ng mambabatas ang Toll Regulatory Board (TRB) sa issue.
Ang kanyang tanong: Mayroon bang ginagawang hakbang ang TRB upang obligahin ang pamunuan ng NLEX na agad na ayusin ang mga aberya sa toll collection system?
“Kung ako ang tatanungin, ang TRB talagang hindi po gumagana,” ayon kay Senator Gatchalian sa panayam sa DZMM Teleradyo.
“Dapat na lang siyaý magbitiw ang ibigay na lang sa isang marunong at alistong indibidwal. Itong problemang ito (sa RFID system) ay matagal na, hindi ito nangyari overnight,” dagdag niya.
Nangangamba si Gatchalian na posibleng lumala pa ang sitwasyon sa NLEX kung hindi makalilikha ng epektibong solusyon ang tollway management at TRB sa mga aberya sa RFID system, lalo na’t papalapit ang Pasko at inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero patungong Metro Manila.
Dahil dito, iginiit niya na magpatupad ng ‘toll-fee holiday’ kung saan papayagang dumaan ang mga motorista sa NLEX na walang babayarang toll fee hanggang hindi nasosolusyunan ang mga problema sa electronic tollway collection.
Samantala, iginiit ni TRB spokesperson Julius Corpuz na ginagawa nila ang lahat upang masolusyunan ang mga isyu sa pagpapatupad ng 100% cashless transaction sa mga tollway.