Binaha kamakailan ang social media ng mga reklamo hinggil sa umano’y pagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Taguig sa pillion riding sa siyudad habang ipinatutupad ang tinaguriang ‘NCR Plus Bubble’ sa Metro Manila. Ito pala ay fake news.
Nagpalabas ng advisory ang Taguig City government sa official Facebook page nito ng paglilinaw hinggil sa naturang issue at lumilitaw na hindi nito ipinagbabawal ang pillion riding subalit sa isang kondisyon: Dapat tumugon sa tatlong health protocol para maiwasan ang paglobo ng COVID-19.
Napag-alaman na ang health guidelines ay binalangkas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) upang maging gabay ng mga local government unit (LGU) na saklaw ng NCR Plus Bubble.
Basahin nang mabuti para iwas-huli at multa:
1) Backriding shield
Hindi nire-require ng Taguig City government sa mga magka-angkas na gumamit ng backriding shield kung sila ay mag-asawa, mag-anak, o magkasama sa opisina. Palaging ihanda ang identification card bilang patunay. At kung hindi kayo pasok sa tatlong panuntunan, gumamit ng backriding shield.
2) APOR ka ba o hindi?
Sakaling hindi saklaw ng tatlong kondisyon na unang nabanggit, maaari lang magsakay ng pasahero ang isang rider kung ang una ay isang authorized person outside of residence o APOR. Samantala, ang rider ay hindi kailangang maging isang APOR para makabiyahe sa loob ng bubble.
3) Magsuot ng full-face helmet at face mask
Bukod sa paggamit ng pribadong motorsiklo, mahigpit din ang tagubilin ng IATF kapwa sa rider at passenger na palaging gumamit ng face mask at full-face helmet habang bumibiyahe. Malinaw pa sa sikat ng araw na hindi uubra ang half-face helmet para sa mga pasahero base sa official health guidelines ng Taguig.
Ang pag-require ng full-face helmet ng Taguig LGU para sa pasahero ay salungat sa unang direktiba ng Metropolitan Manila Development Authority na maaaring gumamit ang pillion rider ng half-face helmet subalit ito dapat ay mayroong full-face visor.
Ano’ng say n’yo?