Category
Select
Select a Category
Scooter
Underbone
Standard
Sport
Touring
Adventure
Dual Sport
Naked
Off-Road
Cruiser
Brand/Model
Select
Select a Brand/Model
        Price Range
        Select
        Below 100K
        100K-200K
        200K-300K
        300K-500K
        500K-1M
        Over 1M

        Test ride: 2021 Yamaha WR155R, bida sa off-roading

        Hanep din sa porma
        by Matthew Galang Aug 19, 2021
        PHOTO: Matthew Galang
        MOTORCYCLE BRANDS IN THIS ARTICLE

        Sinu-sino ba talaga ang target market ng mga dual-sport bikes? Iyon bang mga off-roaders na kailangan ng motorsiklong maipanghaharabas sa kalye at trails? O para sa matatangkad na riders na alanganing gumamit ng mas maliliit na bikes? O Pinoy commuters na nagsawa na sa malulubak na kalsada, butas-butas na kalye, at madalas na pagbaha?

        Sa aming palagay, lahat ng nabanggit. Ang dual-sport bike ay kabilang sa most versatile motorcycles, kaya naman saktong-sakto ito sa paiba-ibang sitwasyon.

        Kabilang sa all-around two-wheeler na ito ang Yamaha WR155R. Opisyal na inilunsad sa bansa sa unang bahagi ng 2020, ang 150cc-class bike na ito ay bahagi ng WR lineup ng Yamaha, na kilala sa off-road performance nito.

        Sa pormahang dirt racer, mataas na suspension, mataas at makitid na upuan, mga gulong na semi-knobby, at pagkakaroon ng torquey single-cylinder engine, ang WR na ito ay masasabing pinakamagandang choice sa pagsabak sa trails.

        Pero paano naman kaya ito pagdating sa lansangan? Humiram kami ng unit mula sa Yamaha Motor Philippines at ginamit iyong daily errand-runner para magkaalaman na.

        Continue reading below ↓

        Styling

        2021 Yamaha WR155R

        Continue reading below ↓
        Recommended Videos

        Mailalarawan natin ang WR155R bilang ‘street-legal dirt bike.’ Ang bawat bahagi nito, maliban sa mga salamin, license plate holder, mga ilaw, at turn signals, ay tunay na off-road-ready ang dating.


        Ang unang mapapansin sa WR na ito ay ang mataas nitong upuan at manipis na frame. Bukod sa kailangan para sa off-road capability ng motorsiklo, ang mga katangiang ito ay nagbibigay ng lightweight, performance-oriented image.

        Continue reading below ↓

        Isa pang agaw-atensiyong visual aspect ng WR ay ang kulay nito: Yamaha Race Blue. Ang official racing color ng brand ay bumagay din sa street bikes nito, gaya ng porma ng bold blue WR155R na pinaangas ng race decals.

        May mga makakakita sa WR155R na iisiping isa itong 125cc, patunay kung gaano kahusay ang Yamaha sa pagkumpuni ng isang super slim bike. Nakatulong din ang manipis nitong frame para lumutang ang iba pang features ng motorsiklo, tulad ng 41mm front fork, sizeable radiator, 21-inch front at 18-inch rear wheel na may semi-knobby tires, high-mounted exhaust, at makitid na upuang metallic-looking.

        Dahil bigay-todo ang pang-off-road racing na porma nito, akmang-akma ang WR155R sa trail, sa matagtag na kabundukan, o kahit pa sa konkretong kagubatan ng metropolis.

        The saddle

        2021 Yamaha WR155R saddle

        Continue reading below ↓

        Tipikal na manipis at flat para sa mas suwabeng off-road maneuvering, ang upuan ng dual-sport bikes ay kilala sa pagiging hindi kumportable. Ganun din ang sa WR155R, na may kakaunting cushioning at ang lapad ay hindi sasapat sa pang-upo ng isang adult.

        Hindi na nakakagulat na mapansin agad ang hindi kumportableng upuan na ito kahit sa maikling biyahe. Bagamat ang ganitong upuan ay may partikular na gamit, naikonsidera rin sana ang ginhawa ng rider ng motorsiklong pupuwede off-road pero puwede rin sa lansangan.

        Gayunman, kapag matagtag ang dinadaanan, walang anumang sagabal na sasabit sa upuan, lalo na’t mas napapakinabangan ng rider ang makapit na metal footpegs, upang mas madali siyang makapagmaniobra at ilipat ang kanyang bigat kung kinakailangan.

        Ang riding position ay pang-dirt bike talaga—tuwid para maabot ang malapad na handlebars, at para na rin makita nang maayos ang kalsada, lalo na sa anumang harang o obstacle na karaniwan sa metro traffic.

        Continue reading below ↓

        Sa umpisa, medyo magdadalawang-isip ka sa 34.6-inch seat height, pero nabalanse naman ito sa 134kg lang na bigat ng WR, bukod pa sa makitid lang ang pagitan ng mga binti ng rider. Bagamat hindi ito ang aming first choice para sa urban maneuvering, ang WR at ang kitid at gaan nitong pang-125cc ay nakakaengganyo naman talaga.

        Paalala naman sa mga hindi katangkarang riders na pupuwedeng maging challenge sa inyo ang taas ng upuan, lalo na kung imamaniobra ito sa makikitid na lansangan o kung mabagal ang takbo. Medyo pahirapan naman ang pag-aangkas sa WR155R. Ang tanging indikasyon na pupuwedeng mag-angkas ay ang rear footpegs, dahil nga makitid at maliit lang talaga ang upuan. Wala ring puwedeng kapitan ang nakaangkas sa alinmang bahagi ng bike na ito.

        Engine performance

        2021 Yamaha WR155R dashboard

        Continue reading below ↓

        Ang puwersa ng WR155R ay nagmumula sa 155cc SOHC single-cylinder, liquid-cooled engine. Ang agresibong makinang ito, samahan pa ng 134kg curb weight at slick-shifting six-speed manual gearbox ng motorsiklo, ay naggagarantiya ng isang enjoyable ride.

        Ramdam ang lakas ng makina ng bike na ito, at sagana pa sa torque kahit sa low revs. Kapag aandar mula sa stoplights, nagbibigay ang Variable Valve Actuation-equipped 155cc na ito ng sapat na torque mula sa likod na kung hindi maingat ang rider ay pupuwede siyang mawala sa pagkakaupo sa flat seat.

        Bukod sa enjoy patakbuhin ang motorsiklo mula sa pagkakatigil, malaking bentahe rin ang sagana nitong torque sa pag-ahon sa matatarik na lugar, bukod pa sa mabilisan ding naiaangat ang unahang bahagi para sa matitinding lubak off-road.

        Ang isang puna lang na kadalasang iniuugnay sa maliliksing small-displacement dual-sport engines ay ang kawalan ng puwersa sa higher rev range para sa mabilisang harurot. Gayunman, ang WR155R ay nakakahataw ng 100kph nang walang masyadong vibrations sa makina. Sa kabila nito, hindi ang WR ang pipiliin naming gamitin sa malayuang ride, dahil na rin sa kawalan ng proteksiyon sa hangin at sa matigas nitong upuan.

        Continue reading below ↓

        Ride and handling

        2021 Yamaha WR155R suspension

        Ang long-travel suspension, high-ground clearance, pagiging magaan, at pagkakaroon ng knobby tires ay pawang katangian ng isang ideal na off-road bike, at taglay lahat ito ng WR155R. Sa lubak-lubak na daanan, ekspertong ina-absorb ng suspension nito ang bawat tagtag at kaldag.

        Sinadya pa naming dumaan sa mga lubak at humps para maramdaman ang galing ng suspension nito. Ang front at rear disc brakes nito na walang ABS ay sobra pa sa sasapat para sa off-roading, may sapat na puwersa para magpreno habang pinapabayaan ang mga intentional slides at skids.

        Continue reading below ↓

        Sa kalsada, ang semi-knobby tires ng WR155R ay may saktong kapit sa aspalto, bukod pa sa maayos na naimamaniobra at may malakas na preno. Ang malapad nitong handlebar ay hindi lamang para sa maayos na leverage at kontrol, kundi mayroon ding vibration-absorbing properties para mabawasan ang riding stress.

        Extra features

        2021 Yamaha WR155R

        Continue reading below ↓

        Karaniwan nang hindi hinahanapan ng sorpresang extra features ang dual-sport bikes, dahil karamihan sa bahagi nito ay inilaan talaga sa performance. Pero hindi naman ibig sabihin ay wala talagang anumang extra sa WR155R.

        Bagamat simple at rugged-looking, ang information display ay hindi lang basta tungkol sa bilis, gasolina, revs, at mileage ng motorsiklo, kundi kasama rin ang gear level, orasan, at may bonus pang pampa-good vibes na pagbati. Ang switches ng bike na ito ay totoong high-quality at nasa tamang puwesto.

        Bukod sa karaniwang turn signals, headlight switch, horn, starter switch, at hazard switch, ang WR ay mayroon ding trigger-style passing button sa kaliwang handlebar. Sapat ang friction ng grips para sa paborableng off-road control, at mayroong magandang ridge kaya mas madali at kumportable ang pagpiga sa throttle.

        Mangangailangan ng backpack o cargo rack kung ang hanap mo ay paglalagyan ng gamit. Tanging ang registration papers ng motorsiklo ang kakasya sa maliit na tool pouch na nasa tabi ng battery sa ilalim ng kaliwang fender.

        Continue reading below ↓

        Verdict

        2021 Yamaha WR155R headlights

        May porma at performance ng isang tunay na off-roader, ang WR155R ng Yamaha ay mas kapaki-pakinabang kaysa pangharurot sa lansangan. Ang pinakabagong dagdag sa dual-sport bikes ng Japanese manufacturer ay bagay na bagay sa mga kalsada sa probinsya, sa trail/dirt track, at tuwing tag-ulan.

        Kung masosolusyunan lang ang mataas nitong upuan, ang WR155R ay isang magandang opsiyon para sa versatile daily ride na kakayanin ang lahat ng hamon, sa kalsada man ng metropolis o maging sa kabundukan at kagubatan.

        Continue reading below ↓

        Specs: 2021 Yamaha WR155R

        Price: P169,000

        Engine: 155cc SOHC single-cylinder
        Transmission: 6-speed constant mesh
        Power: 16.4hp @ 10,000rpm
        Torque: 14.3Nm @ 6500rpm
        Score: 19/20

        (Disyembre 1, 2020 nang unang nalathala ang artikulong ito sa topbikes.ph)

        See Also

        Top Bikes Philippines is now on Quento! Click here to download the app and enjoy more articles and videos from Top Bikes Philippines and your favorite websites.

        PHOTO: Matthew Galang

      • Quiz Results

      • TopBikes Rating:
        /20

        Starts at ₱

        TopBikes Rating:
        /20
        Starts at ₱